Malalakas na Lindol sa Cebu at sa Davao: Mga Kaisipan at mga Posibleng Dahilan

 

Malalakas na Lindol sa Cebu at sa Davao: Mga Kaisipan at mga Posibleng Dahilan

-Dr. Gerald Galgana


Makailan lamang nitong katapusan ng Setyembre at Simula ng Oktubre 2025 ay nakaranas ng malalakas na lindol ang Cebu (Moment Magnitude or Mw 6.9) at Davao (Mw 7.4). Bakit nangyari ang mga ito, ano ang pinaka dahilan at ano ang koneksyon ng dalawang malalakas na lindol (at iba pa).

Ang artikulong ito ay tatalakayin at tatangkaing lilinawin ang mahalagang usapin na ito.

Una, ang lindol sa Davao [Larawan 1] ay dulot ng convergence (o pagsasama o pagdidikit), ng Philippine Sea Plate at ng Pilipinas (o tinatawag na Philippine Plate Boundary Zone or PPBZ na binubuo ng mga maliliit na blokeng tektoniko o “microblocks” na napapaligiran ng faults at mga lubugan o trenches). Ang subduction o paglubog ng Philippine Sea Plate patungo sa direksyon ng WNW o Kanluran-Hilagang Kanluran, ang siyang nagdulot ng paggalaw sa Philippine Trench.



Larawan 1. Mga lindol sa bandang Davao nitong kamakailan lamang. Kinapapangyarihan ng malakas na lindol sa Philippine Trench. [Galing sa USGS}

Dapat unawain na ang pagkakadikit ng mga plato tektoniko na ito ay dahilan ng mga baku-bako na mga bato (tinatawag na “asperities”), na nagdudulot ng pansamantalang pagka lock ng mga plato dahil sa friction. Kapag naipon na ang mga stresses, nasisira na ang mga batong asperity na ito, na siyang nagdudulot ng malakas na lindol at paggalaw ng mga platong tektoniko. Dapat unawain na ang proseso na ito ay tuluyang nangyayari--dahil umuusad ang Philippine Sea Plate patungo sa Pilipinas ng 50-60 mm/yr. Pansamantalang dumidikit, pero tuluyan itong gumagalaw dahil sa pagkasira o pagkabiyak ng mga asperity na ito. Ang lugar ng Philippine Trench na ito sa timog na bahagi ng Pilipinas ay ang pinakamalindol na lugar sa buong Pilipinas.

Ang focal mechanism na nasa ibaba [Larawan 2] ay nagsasabi na ang paggalaw ay pagdikit o pag-converge (itim na “beachball sa gitna”). Ito at medyo may kalaliman (58.1 km)---na dahilan kaya nasangga ng mga bato ang ibang lakas ng lindol.




Larawan 2. Focal mechanism ng lindol sa Davao. Kompresyon or “thrust”, ang paggalaw dito, dahil sa subduction sa Philippine Trench. [Galing sa USGS]

Ang lindol naman na nangyari sa Cebu ay dulot sa depormasyong panloob na nangyayari sa gitna ng Philippine Plate Boundary Zone (PPBZ). Ito ay dulot ng paggalaw ng mga microblocks na kinapapalooban ng Central Visayas at ng Isla ng Leyte.

Dahil ang gitna ng Pilipinas ay nabubunggo sa patungong kanluran na galaw ng Philippine Sea Plate sa bandang kanan (o silangan, sa Philippine Trench na banda) at ng pasilangang paggalaw ng Palawan Microblock (na isang malaking parte ng Sundaland Plate na bumubuo sa kontinental na SE Asia) na bumabannga naman sa bandang Negros Trench sa bandang kaliwa (o kanluran), and gitnang parte ng Pilipinas o Visayas ay nadedeporma ng tuluyan.



Larawan 3. Paggalaw ng mga microblocks sa gitna hanggang timog na Pilipinas. [Galgana, 2009]


Dahil sa pagdepormang proseso na iyan, ang korte ng mga isla sa bandang Visayas ay naging palihis (diagonal);  Ganoon na rin ang mga kabundukan at mga bulkan---dahil sa pagkakaroon ng mga vertical na faults na karamihan ay tumatahak pa-Timog Kanluran hanggang Hilagang Silangan.[SW-NE]. Ito ay dahil sa pag-accomodate ng pagcompress ng Visayas [Larawan 3].

Ngayon, ang lindol na nangyari sa Visayas ay may mga faults na kasangkot. Ang Bogo fault ay nito lamang nakitang nasira---batay sa inspeksyon sa Cebu ng Phivolcs, NOAH, at ng PhilSA. Ang posibleng epekto ng elastikong lakas na naipon---na nasukat ng GPS sa bandang Leyte, malapit sa lugar ng epicenter---ay maaring may kinalaman o laya’y maaring maapektuhan ng mga stresses na nailipat[Larawan 4].





Larawan 4. Elastikong lakas na nakatago sa gitna at timog na Pilipinas dahil sa pagka-lock ng Philippine Fault [Galgana, 2009]

Una, posibleng may mga faults na nagmamarka ng mga bitak-bitak na microblocks na nakahalang sa tabi ng Philippine Fault System na nasa ilalim ng dagat----at posibleng nagkakarga ng mga pwersa sa paggalaw na ito. Ang Bogo fault ay maaring nagkarga lamang ng malaking parte ng depormasyon na ito. Maaring maapektuhan din ang paggalaw sa Philippine Fault sa bandang hilagang Leyte ng lindol na ito sa Cebu.

Base sa focal mechanism ng lindol sa Cebu, ito ay transpression---palihis na paggalaw na may pag-dikit o pag compress na bahagi. Ito ay mababaw (10 km) kaya malakas masyado ang paggalaw sa lupa.


Larawan 5. Focal mechanism ng lindol sa Cebu. Mababaw na transpresyon, o medyo tagilid na strike-slip ang paggalaw dito. Galing sa USGS

Sa katunayan, ang gitnang Visayas---sa bandang Panay---ay kinapapangyarihan ng isa sa mga pinakamalakas na lindol sa Pilipinas---dahil sa pagbangga sa bandang Negros Trench.  Ang korte ng Panay ay parang tatsulok--dahil ito sa pagka hanay niya (at ng mga bundok sa Panay) sa banggan sa Negros Trench [Larawan 5].


 

Larawan 6. Direksyon ng mga pagka-compress at pagka-hatak sa gitna at timog na Pilipinas. Tugma ang mga direskyon sa nangyaring lindol kamakailan. [Galgana, 2009]

Ang malakas na lindol naman noong 2013 sa Bohol ay isa lamang sa proseso ng paglipat ng stresses o pwersa sa mga bato na maaring naglipat ng mga pwersa sa mga batuhan ng Isla ng Cebu, na kinapangyayarihan ng lindol nitong nakaraan.



Larawan 7. Mga lindol sa gitna at timog na Pilipinas [1977-2007]. Galgana [2009], data galing sa USGS.




Larawan 8. Direksyon sa gitna at timog ng Pilipinas [1977-2007]. Galgana [2009], data galing sa USGS.

Sa kalahatan, ang mga lindol na nangyayari sa Pilipinas ngayon ay normal na resulta ng paggalaw ng microblocks or maliliit na platong tektoniko na laging gumagalaw, minsan tumitigil pansamantala, at mga asperity na nabibiyak at nagdudulot ng lindol at multing paggalaw ng microblocks [Larawan 7 at 8].

Dahil sa lakas ng mga lindol, kailangan magmatyag sa mga epekto ng aftershocks (dulot ng pag adjust at pag ikas ng mga bato muli malapit sa lugar na pinangyarihan ng mga lindol---aabot ito ng mga buwan hanggang ilang taon), at posibleng may epekto sa Philippine Fault-bandang Leyte o kaya’y sa pagkabuhay ng mga bulkan na malapit sa mga lindol. Mainam na mag-ingat lagi para sa kaligtasan ng lahat.


Mga babasahin at reperensiya:

    Aurelio, M. A. (2000). Shear partitioning in the Philippines: Constraints from Philippine Fault and global positioning system data. Island Arc, 9(4), 584-597.

    Bacolcol, T., G. Galgana, M. Hamburger, R. McCaffrey, R. Solidum, K. Johnson, and A. Nowicki (2013). Crustal Deformation of the Philippine Mobile Belt, AGU 2013 Fall Meeting, San Francisco, CA.

    Galgana, G. (2009). Geodetic Investigations of Active Crustal Deformation in the Philippine Plate Boundary Zone and the Intraplate Region of the Central United States, PhD Dissertation, Department of Geological Sciences, Indiana University Bloomington, 238 pp.

    Hamburger, M., G. Galgana*, T. Bacolcol, R. McCaffrey and S. Yu (2010). Analysis of Oblique Plate Convergence along the Manila Trench and the Philippine Trench. EOS Transactions, AGU Fall Meet. Suppl., Abstract T51D-2084.

        USGS (Retrieved, 2025). Focal Mechanisms, Latest Earthquakes (Website).

***Maraming salamat kay Prof. Lady Aileen Orsal ng Harvard University sa kanyang tulong sa pag-aayos ng teksto  sa tamang daloy ng wikang Tagalog!!!






Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?

Impact Craters

Mga Lindol at mga Bulkan sa Pilipinas: Ano ang kanilang Pinagmumulan at Relasyon?