Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?
Isa sa pinakamalaking katanungan sa lahat ay ang konsepto ng pitong araw sa isang linggo.
Saan ba talaga ito nagmula? Totoo bang ang pagkalikha ng daigdig ay sa loob lamang ng pitong araw? Bagamat hindi sakop ng blog na ito ang usaping pangrelihyon, aking tatalakayin ang isa sa mga makabuluhang paliwanag mula sa agham ng astronomiya.
Ang agham ng astronomiya ay siyang pangunahing paraan upang itala ang mga haba ng araw, ng buwan, ng taon, at mga panahon. Dahil sa astronomiya, ang sangkatauhan ay natutong itala ng tama ang panahon ng pagtatanim, pag-ani, panahon ng taglamig, tag-init, tagsibol, taglagas, ganoon na rin ang tag-ulan.
Ang pitong araw ay nagmula sa pag-ikot ni Luna (pangalan ng Buwan na ating gagamitin para hindi nakakalito sa buwan na ibig sabihin ay panahon!) sa Mundo. Ang isang sidereal na buwan (base sa pagharap ni Luna sa malalayong bituin) ay mayroong 27.3 na araw ang haba, samantalang ang synodic na buwan (base sa phase ni Luna)ay mayroong 29.5 na araw ang haba. Ang nasa gitna nito ay bahagyang humigit sa 28 na araw, na siya namang binubuo ng apat na linggo (na binubuo naman ng pitong araw ang isa). Samakatuwid, ang isang linggo ay namamarkahan ng ilang phases ni Luna, na siyang ginagamit ng mga nomadic na mga tribo para markahan ang paglipas ng mga linggo noong una pang panahon.
Larawan ng Abri Blanchard Bone, hinihinala na ito ay ang pinakaunang kalendaryo na mula pa sa panahong Paleolitiko noong 34,000 taon bago kasalukuyan. Nakatala dito ang mga phases ng buwan, na nangangahulugan na may nagmamasid at nagtatala ng panahon laban sa pag-inog ng buwan sa daigdig. Mula sa larawang iginuhit ni Marshak, 1970 at Delmas / Don’s Maps
Ang mga pangalan ng iba't-ibang araw sa isang linggo ay nagmumula rin sa mga astronomikal na bagay, o kaya'y mula sa mga Diyos ng mga Romano, Viking at Griyego: Linggo o Sunday ay mula sa Araw mismo; ang Monday o Lunes ay mula kay Luna; Ang Tuesday o Martes sa planetang Mars; Ang Miyerkoles o Wednesday ay mula sa planetang Mercury; Ang Thursday o Huebes ay mula sa pangalang Jove or Jupiter; Ang Friday o Biyernes ay hinango mula sa "Vernal" o Planetang Venus o kaya'y ang Diyosang si Frigga. Ang Sabado o Saturday naman ay hango sa planetang Saturn. Samakatuwid, ang mga araw na ito ay pinangalan base sa pinakamaliliwanag na mga bagay na astronomikal na nakikita noong araw pa.
Bilang karagdagan, mayroong proseso na tinatawag na "dynamical evolution" ng orbit ng mga planeta. Sinasabi nito na sa lahat-lahat, ang mga orbit ay nagbabago sa pagdaan ng panahon. Ang mga orbit na kung papaano makikita ngayon na kung gaano kalawak o kalayo----o kaya'y gaano katagal ang pag-ikot, ay hindi katulad ng una pa itong magsimula, at hindi rin ito magiging katulad ng itsura nito sa pagdating ng mahabang panahon. Ang dahilan nito ay ang mga puwersa na siyang nagpapabilis at nagpapabagal sa ikot ng mga planeta, tulad ng tides at resonance dahil sa grabitasyon.
Halimbawa, ang pagbabago pag-ikot ng buwan sa paligid ng mundo sa ngayon ay 29.5 na araw, ganoon na rin ang layo ng Buwan mula sa Mundo. Dahil sa mga tides at prosesong dynamical evolution, ang ikot ng mundo matapos ang ilang milyong taon pa ay babagal hanggang ang haba ng isang araw ay magiging 47 araw na (sa kasalukuyang haba nito). Ang dahilan nito ay ang pagpigil ng mga tides sa pag-ikot na parang preno ng sasakyan. Ang Mundo at Buwan ay magiging magkaharap din ng permanente, isang mukha ng Mundo sa isang mukha ni Luna. Ang layo ni Luna mula sa Mundo ay patuloy na lalaki---itoy' nasusukat ngayon gamit ng laser ranging, sa 3.8 sentimetro kada taon. Kung sa ganoon, noong araw, si Luna ay lubhang mas malapit pa sa Mundo kumpara sa kasalukuyan (384,000 km).
Ano ang mga implikasyon ng prosesong ito?
(1) Ang kuwento ng pitong araw na pagkalikha ay maaring simplipikasyon ng isang napakahabang proseso na maaring umabot sa ilang Bilyong taon.
(2) Ang kuwento ng pagkalikha ay ginawa lamang sa malapit na panahon, na kung kailan ang haba ng linggo ay may pitong araw, at hindi mas mabilis pa---tulad noong araw ng pisikal na pagsimula ng pag-ikot ni Luna sa Mundo.
Sa aking uulitin, hindi sa usaping relihiyon nakaumang ang blog na ito, kung hindi sa alternatibong pagpapaliwanag sa mga bagay-bagay. Naka-base ang mga paliwanag na ito sa pananaliksik sa larangan ng agham---at hindi kaagad nangangahulugan na ang mga ito'y pansariling opinyon ng may-akda.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento