Triton: Kakambal ng Pluto?


Sa ngayon, maaaninag na natin ang hugis ng ibabaw ng Pluto. Ang imahe sa ibaba ay nagpapakita ng mga heolohikal na pangitain, subalit medyo malayo pa para sabihin kung ano ang mga ito.

Ayon kay Dr. Paul Schenk, isang kasamahan sa Lunar and Planetary Institute (at dating kong katapat-opisina) na espesyalista sa mga tinatawag na icy planetoids o mga malalamig at nagyeyelong mga buwan at mga pandak na planeta----ang Pluto ay maaaring kakambal o katulad ng Triton sa pagkakagawa nito.  Ang Triton ay ang pinakamalaking buwan ng Neptune na binista ng Voyager 2 spacecraft noong 1989.

Malamig, maraming yelo na humalo sa mga bato sa ibabaw, at maaaring may mga bulkan sa ilalim ng nagyeyelong ibabaw nito (tinatawag na “icy” volcanism o “cryovolcanoes---ang ibinubuga ay mga naghalong tubig, methane, ammonia sa halip na mga purong lava at batong piroklastiko/pyroclastics), at mga “geysers”. 

Ang hangin o atmosphere sa Triton ay lubhang napakanipis at hindi maaring hingahin (gawa ng maliit na grabitasyon), at ito'y binubuo ng Nitrogen at Hydrocarbons. Ang Triton ay malamang isang Kuiper Belt Object din tulad ng Pluto na nahatak ng grabitasyon ng Neptune.

Pinakahuling larawan ng Pluto, mula sa New Horizons Team, JHUAPL at NASA. Maaaninag ang mga bagay na may kinalaman sa kasalukuyang aktibong prosesong pangheolohikal sa ibabaw nito.



Larawan ng Triton, isang buwan ng Neptune (Kuha ng Voyager 2, NASA). Ang pangunahing makikita sa ibabaw nito ay mga bulkan, mga geysers, at ganun din ang tinatawag na “Cantaloupe Terrain” o nagyeyelong lupain na mukhang balat ng melon (sa itaas na bahagi ng larawan). Ang mga hugis na makikita sa ibabaw nito ay naapektuhan ng mga prosesong pang ilalaim na maaring tektoniko o bulkaniko na maaaring may kombinasyon na rin ng "tidal stresses" dahil sa malakas na grabitasyon ng Neptune---dahil dito, nagkakaroon ng mga biyak ang mga yelo, subalit muling nabubuo dahil na rin sa lamig.




Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Impact Craters

Abril sa Diliman: Bakit Sobrang Init Palagi?

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?