Pulu-Pulutong na mga Yugto mula sa Pluto


Dumarating tayo sa isang pinakahihintay at pinakamakabuluhang yugto sa pananaliksik sa agham pamplanetarya: ang pagbisita ng sangkatauhan sa pamamagitan ng spacecraft na New Horizons sa planetang Pluto. Sa ika-14 ng Hulyo, 2015 makikita na natin ang itsura ng ibabaw ng planetang Pluto matapos ang matagal na paghihintay...

Sa ngayon, ano ang alam natin sa tungkol sa planetang Pluto ?

Ang Pluto ay nakita na una ni Clyde Tombaugh matapos ang masusing pagmamasid mula sa Lowell Observatory sa Flagstaff, Arizona nuong 1930. Ito'y kinilala bilang pang-siyam na planeta, ang pinakamalayo, sapagkat ito'y 4.4 hanggang 7.3 bilyong kilometro mula sa araw; simula noon nanatili itong isang planeta hanggang pinangalanan ito na isang maliit o pandak na planeta (dwarf planet), isang bagong uri ng mga planeta na kinabibilangan din ng mga malalaki at bilugang asteroid tulad ng Ceres, Vesta at iba pang mga Kuiper Belt Objects (KBO).

Ang nalalaman natin sa Pluto ay ang tungkol sa pag-ikot nito sa kalawakan (orbit), ang mga buwan nito na nakapaligid (halimbawa ang Charon, Nix, Styx, Kerberos at Hydra). Ayon sa mga estima, ito ay may lapad (diameter) na higit sa 2,350 km. (halos doble ng laki ng distansya ng Luzon hanggang Mindanao, subalit mas maliit kaysa sa lapad ng buwan), at may grabitasyon na 0.58 m/s^2, napakaliit kung ikukumpara sa ating mundo. Ang lamig ng ibabaw nito ay nasa -230 degrees Celsius, na sobrang napakalamig para mabuhay ang kahit anong mga nilalang!

Ang isang taon (isang kumpletong pag-ikot sa araw) sa Pluto ay katumbas ng halos 250 taon sa mundo! Alam din natin na bahagya ang mga bagay patungkol sa uri ng kulay ng ibabaw ng lupain dito (dahil sa mga kuha ng Hubble Space Telescope), na posibleng resulta ng mga reaksyong pangkemikal. Bukod dito, wala na tayo masyadong nalalaman pa.



Mga pinakahuling larawan ng Pluto, kuha mula sa New Horizons Spacecraft; Maaaninag ang kakaibang kulay at posibleng pagkakabuong kemikal ng ibabaw nito. Pagmamay-ari ng: NASA/Johns Hopkins University Applied Physics Laboratory/Southwest Research Institute



Ano ang ating dapat na malaman sa pagbisita ng New Horizons spacecraft sa Pluto?

Isa sa mga dapat nating malaman ay ang mga sangkap na bumubuo sa lupain sa ibabaw ng planetang ito: gaano karami ang yelo? Gaano karami, at anong klase ang mga batuhan? Mayroon kaya itong shell na yelo, na bumabalot sa crust ng planeta---at gaano ito kalalim? Gaano karami ang mga bulkan sa ibabaw nito, at kung mayroon man, gaano ang mga ito ka-aktibo? Mayroon bang prosesong tektoniko na aktibo dito? Kung mayroon mang mga impact crater, gaano ito karami, at ano ang tintatayang edad ng ibabaw ng planetang ito?

Ang mga kasagutan sa tanong na mga ito ay magbibigay ng patotoo sa mga proseso na dinaanan ng ating Solar System mula sa pagkabuo hanggang sa kasalukuyan. Sasabihin rin nito kung saan nanggaling ang mga munting planeta at mga Kuiper Belt Objects tulad ng Quaoar, Eris, at iba pa. At magkakaroon tayo ng pang unawa sa kundisyon ng mga pandak na planetang ito sa bandang dulo ng Solar System, na kung saan ay napakalamig---at kung saan din nanggagaling ang mga kometa.

Sa ganitong paraan, tinatayang mas lalawak ang ating kabuuang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng ating planeta, ng Solar System at ng kalawakan. Ilan sa aking mga kasamahan sa Lunar and Planetary Institute ay kasalukuyang nagmamanman sa pagdating ng mga datos mula sa New Horizons. Kaya't subaybayan!

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Impact Craters

Abril sa Diliman: Bakit Sobrang Init Palagi?

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?