Ang Kaldera ng Olympus Mons


Ano ba ang kaldera ng isang bulkan?  Ang Kaldera ng bulkan ay isang pormang heolohikal na halos bilog ang hugis at karaniwang natatagpuan sa tuktok o edipisyo ng bulkan. Ito ay nabubuo dahil sa pagkaubos ng magma sa ilalim ng lupa,  dahil sa pagsabog ng bulkan,  o kaya’y dahil sa pagdaloy nito palayo sa lalagyan ng magma (magma chamber). Ang paligid ng mga kaldera ay karaniwang may mga biyak (o faults).  Ang mga biyak na ito ay nagpapatunay na may paggalaw ang bahagi na ito (karaniwang bumababa ang sahig ng kaldera kumpara sa mga paligid nito).

 
Halimbawa,  isang grupo ng mga kaldera ay matatagpuan sa tuktok ng Olympus Mons (Mars), ang  pinakamalaking bulkan sa Solar System.  Ang mga kaldera na ito ay nagpatung-patong, dahil sa patuloy na pagbaba ng sahig ng kaldera (dahil sa sunud-sunod pagkaubos ng magma sa ilalim nito----dahil sa pagsabog ng bulkan,  o kaya ay pag-anod ng magma sa ilalim patungo sa ibang lugar).  Ang Olympus Mons ay may  taas na 22 km at may lapad (diameter) na 600 km.  Ang lapad naman ng kaldera nito ay mahigit sa 50 km ang lapad.  Lumaki ang Olympus Mons ng ganito dahil sa patuloy na pagdaloy ng magma,  na dahil na rin sa kawalan ng plate tectonics,  at ng kahinaan ng gravity sa Mars.

 

Larawan.  Gaano kalaki ang Olympus Mons kumpara sa Luzon? Ang lapad ng Olympus Mons (~600 km) ay halos kasing-lapad ng pahilaga-patimog na haba ng Luzon.  Subalit ang laki ng lugar na nasa ilalim nito ay lubhang mas malapad kaysa sa Luzon (Larawan mula kay Altair Regienne Galgana, NASA, at Google Earth).

 

Larawan.  Gaano kalaki ang Kaldera ng Olympus Mons kumpara sa Maynila?  Sa Bulkang Taal?  Ang buong Metro Manila ay maaring ipasok sa kaldera ng Olympus Mons (larawan sa itaas).  Ang buong Manila Bay ay halos kasing-laki nito;  Ang kaldera ng Taal ay mas maliit kumpara dito (larawan sa ilalim) (Larawan mula kay Altair Regienne Galgana, NASA, at Google Earth).

 
 


Mga Babasahin:
  •  Byrne, P. K., B. van Wyk de Vries, J. B. Murray, and V. R. Troll, the geometry of volcano flank terraces on Mars, Earth Planet. Sci. Lett., 281, 1-13, 2009.
  • Carr, M. H. (1973). "Volcanism on Mars". J. Geophys. Res. 78: 4049–4062.
  • McGovern, P. J., and J. K. Morgan, Volcanic spreading and lateral variations in the structure of Olympus Mons, Mars, Geology, 37, 139-142, 2009.
  • Wood C.A. (1984). Calderas - A planetary perspective. Journal of Geophysical Research 89, 8391-8406.
  • Zuber, M.T. and P.J. Mouginis-Mark (1992). Caldera subsidence and Magma Chamber Depth of the Olympus Mons Volcano, Mars. J. Geophys. Res., 97, B11, 18,295-18,307.
 
 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Impact Craters

Abril sa Diliman: Bakit Sobrang Init Palagi?

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?