Buhay ang mga Bulkan! Makabagong Agham mula sa Planetang Venus

 

Ang kasalukuyang tinatanggap na kaalaman tungkol sa planetang Venus ay walang mga aktibong bulkan ang kasalukuyang nasa ibabaw nito---at malamang ilang milyon na mga taon na ang lumipas simula nung sumabog ang karamihan sa mga libo-libong bulkan sa ibabaw nito (Binschadler et al. 1995). Tinatanggap ng maraming siyentipiko noon na ang ibabaw ng planetang Venus ay patay at walang paggalaw pangkasalukuyan, kakaiba sa ating daigdig. Ang paniniwala na iyan ay maaaring tuluyang magbago ng lubusan sa mga susunod na buwan.

Maraming uri ng mga bulkanikong hugis ang makikitang nasa ibabaw ng planeta: may mga malalaking mga bulkan na mayroong lapad na sinlaki halos ng buong isla ng Luzon! Mahigit sa isang daan sa mga ito ang natukoy at naimapa na; mayroong din mas maliliit na bulkan at mga kakaibang uri ng sentro o hugis bulkaniko tulad ng mga “pancake” domes, coronae, arachnoids (Larawan 1), radiating dikes (tulad ng mga Nova o Astra)---marami dito ay kinalalagyan ng mga dumaloy na lava na matagal nang tumigas at lumamig, sa paliwanag ng mga siyentipiko noon (Basilevsky at Head, 1995).


Larawan 1. Mga sentrong pambulkan na tinatawag na “arachnoids”. Ang mga bilugang lamat at pahabang lamat na nagmumula sa sentro ay mula sa pag-igkas ng mgama mula sa ilalim ng mga bato. Nasa ibabang gitna ang daluyan ng lava ng Baltis Vallis.


Subalit ngayon, dahil sa mga pagmamasid sa pamamagitan ng mga satellite (gumagamit ng remote sensing na pamamaraan) na pumapansin sa mainit na mga deposito (i.e., Smrekar et al., 2010; Shalygin et al., 2015) tulad ng lava at ganoon na rin ang pagkuha ng komposisyon ng kaulapan ng planeta, napansin ang malaking panaka-nakang konsentrasyon ng sulfur dioxide sa ilang mga sentro ng planeta (Esposito, 1984; Marcq et al., 2013).

At ang pinakabago at pinakamakabuluhang na pananaliksik ay ginawa ni Dr. Justin Filiberto (ngayo’y sa NASA Johnson Space Center na), Dr. Alan Treiman ng Lunar at Planetary Institute sa Houston, Texas----at mga kasamang siyentipiko. Napag-alaman nina Dr. Filiberto na ang mga lava sa ibabaw ng planetang Venus ay mayroong mga bato na ilang linggo hanngang ilang taon pa lamang ang edad nito---at hindi milyon-milyong taon o kahit na libong taon na ang nakaraan nung ito ay lumabas mula sa bulkan (e.g., Filiberto et al., 2020; 2021; D’Inecco et al., 2021). 

Nangangahulugang malinaw na ang mga bulkan na kinalalagyan ng mga bagong lava ay maaring sumabog kamakailan lamang, posibleng ilang taon lang at lumipas---at maaaring sumasabog pa ang mga bulkan sa kasalukuyan! Nababatay ang kanilang pag-aaral sa pagmasid ng pagtanda ng mga mineral na Olivine at pagkuha ng mga pirma nito at inihambing sa mga katangian ng mga bato sa Venus hango sa larawang kinuha ng instrumentong kumukuha ng VNIR (visible at near infrared na radiation) sa ibabaw ng planeta.

Samakatuwid, mayroong matinding implikasyon ang mga pag-aaral na ito sa mga proseso sa ibabaw ng planeta: na ang mga aktibong mga bulkan ay nagsasabi na ang ibabaw ng planeta ay maaring buhay pa rin at gumagalaw ang kanilang mga edipisyo at daluyan sa pangkasalukuyan (tingnan halimbawa ang Larawan 2): posibleng may kinalaman ang mga paggalaw na ito sa malawakang bukanismo, paglindol, at galaw-pantektoniko.

Larawan 2: Kuha ng Magellan radar sa tagiliran ng Maat Mons sa ibabaw ng planetang Venus. Makikita rito ang malawakang deposito ng lava na tumatakip sa tagiliran ng bukan na maraming lamat. Ang ibang daluyan at pondohan ng lava ay parang nagpapakita na ito ay bago pa, base sa bilugan na hugis ng mga gilid nito at ganoon na rin sa kinis ng ibabaw, kumpara sa mga mas lumang deposito sa kanang itaas.

 

Kung tunay nga na ganito ang kalagayan, dapat suriing mabuti ang mga naunang pag-aaral ukol sa planetang Venus. Maaaring may mga senyales at mga marka sa ibabaw ng mga bato na hindi malinaw noon at hindi gaanong nasuri o napansin ng detalyado at naipaliwanag ng malawakan. 

Patuloy na subaybayan ang mga paggalaw ng mga pag-aaral tungkol sa planetang ito: Ang ating pananaw sa planetang Venus ay maaring magbago ng lubusan sa mga susunod na taon!

 

Mga Sanggunian:

Bindschadler, D. L. (1995). Magellan: A new view of Venus' geology and geophysics. Reviews of Geophysics, 33(S1), 459-467.

Basilevsky, A. T., & Head, J. W. (1995). Regional and global stratigraphy of Venus: a preliminary assessment and implications for the geological history of Venus. Planetary and Space Science, 43(12), 1523-1553.

D’Incecco, P., Filiberto, J., López, I., Gorinov, D. A., & Komatsu, G. (2021). Idunn Mons: Evidence for Ongoing Volcano-tectonic Activity and Atmospheric Implications on Venus. The Planetary Science Journal, 2(5), 215.

Esposito, L. W. (1984). Sulfur dioxide: Episodic injection shows evidence for active Venus volcanism. Science, 223(4640), 1072-1074.

Filiberto, J., Trang, D., Treiman, A. H., & Gilmore, M. S. (2020). Present-day volcanism on Venus as evidenced from weathering rates of olivine. Science Advances, 6(1), eaax7445.

Filiberto, J., D’Incecco, P., & Treiman, A. H. (2021). Venus, An Active Planet: Evidence for Recent Volcanic and Tectonic Activity. Elements: An International Magazine of Mineralogy, Geochemistry, and Petrology, 17(1), 67-68.

Marcq, E., Bertaux, J. L., Montmessin, F., & Belyaev, D. (2013). Variations of sulphur dioxide at the cloud top of Venus’s dynamic atmosphere. Nature geoscience, 6(1), 25-28.

Shalygin, E. V., Markiewicz, W. J., Basilevsky, A. T., Titov, D. V., Ignatiev, N. I., & Head, J. W. (2015). Active volcanism on Venus in the Ganiki Chasma rift zone. Geophysical Research Letters, 42(12), 4762-4769.

Smrekar, S. E., Stofan, E. R., Mueller, N., Treiman, A., Elkins-Tanton, L., Helbert, J., ... & Drossart, P. (2010). Recent hotspot volcanism on Venus from VIRTIS emissivity data. Science, 328(5978), 605-608.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bakit masyadong malalaki ang mga bulkan sa ibang Planeta?

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?

Impact Craters