Kapatagan at mga Kabundukan sa Planetang Venus

 

Ipinapakita sa mga larawang sa ibaba ang itsura ng mga kabundukan at kapatagan sa planetang Venus. Ang mga kapatagan ay tinatawag na “Planitia”: ang ito ay madilim sa paningin, dahil sanhi ng paglayo ng radar backscatter mula sa sensor ng Magellan spacecraft. Ito ay dulot ng reflection dahil sa pagiging patag na parang salamin ang ibabaw ng lupa. Makikita sa larawan ang tinatawag na “wrinkle ridges”, mataas na parte ng lupa na may kurbada, posibleng dahilan ng kompresyon dahil sa bangaan o pagkaipit ng lupa sa kaliwa patungo sa kanan, na nagdudulot ng pagkakulubot ng ibabaw nito. Ang mga itaas ay mayroong malakas na repleksyon sa radar dahil sa magaspang na ibabaw nito. Makikita rin na ang kapatagan ay may parang alun-alon na ibabaw, dahil sa pagkapatong ng maraming lava flows na nangyayari kada panahon. Mapupuna rin na ang ibabaw ng kapatagan ay may kakulangan sa dami ng impact craters, nangangahulugan na ang ibabaw na ito ay bago lamang, posibleng ilang milyong taon lang ang dumaan noong unang inilatag ito (i.e., Basilevsky and Head, 2003).

Sa ikalawang larawan (sa ibaba), ipinapakita ang pagitan ng dalawang uri ng ibabaw ng lupain sa Venus: ang kapatagan sa bandang kaliwa (maitim o madilim na bahagi) at ang isang uri ng kabundukan o ang tinatawag na Tessera. Ang Tessera ay mas nakatatandang uri ng lupain, tulad ng mg lupaing kontinental sa ating daigdig: ito ay kinalalagyan ng maraming mga biyak na iba’t-iba ang direksyon, nahahalintulad sa mga Parquet tiles na kahoy---makikita rin sa ibabaw na ito ang mga lambak na naghihiwalay sa mga kabundukan o ridges (Binschadler and Head, 1991). 


Posibleng ang komposisyon nito ay granitic tulad ng mga kontinente, subalit sa ngayon, ang ating nalalaman ay Basaltic ang komposisyon ng mga bato sa Venus, tulad ng mga bato sa kapatagan. Ang pinagdikitan ng dalawang uri ng mga lugar na ito ay makikitang may malaking kaibahan sa taas ng lupa o elevation, na mula sa mababang kapatagan ay biglang umaakyat ang taas ng lupa patungo sa Tessera. Makikita rin sa larawan na maraming umbok ng lupa na parte ng Tessera sa dikitan na ito ay napapaibabawan ng lava flows, nangangahulugan na ang mababang lugar ay natambakan ng panibagong lava flows na mas nakababata sa matandang uri ng bato sa Tessera.


References

Basilevsky, A. T., & Head, J. W. (2003). The surface of Venus. Reports on Progress in Physics, 66(10), 1699.

Bindschadler, D. L., & Head, J. W. (1991). Tessera terrain, Venus: Characterization and models for origin and evolution. Journal of Geophysical Research: Solid Earth, 96(B4), 5889-5907.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?

Impact Craters

TUNGKOL SA LINDOL SA BOHOL: ANO ANG DAHILAN?