Bulkang Taal: Aktibong Bulkan na Dulot ng Malawakang Aksyong Pantektoniko




Ang bukana ng bulkang Taal sa kasalukuyan ay nasa isang isla sa gitna ng 25x30 kilometrong lawa ng Taal, na nakapaloob din sa rehiyon pantektoniko na tinatawag na “Macolod Corridor”. Sa isla na ito ay makikita ang pinakamalaking gitnang kaldera, at iba’t-ibang sentro ng bulkanismo na siyang pinagmulan (at produkto) ng mga pagsabog nito noong mga nakaraang panahon.

Ang Macolod Corridor ay isang mala-tatsulok na rehiyong pantektoniko na matatagpuan sa SW Luzon. Ito ay nakakaranas ng pagbatak ng “lithosphere” (na kombinasyon ng crust at itaas na mantle) dahil sa epekto ng subduction sa magkabilang gilid. Ito ay ang paglubog ng Sundaland Plate sa kanluran sa Manila Trench at paglubog naman ng Philippine Sea Plate sa Silangan sa hilagang banda ng Philippine Trench. Sa Silangan din makikita ang bumabagtas na pa-NW-SE na Philippine Fault System.

Pantektonikong Kalagayan

Ang pagbatak na ito ay nagdudulot ng “pag-ikot” ang rehiyon ng Macolod Corridor at ganoon na rin ang pag-impis ng kapal ng lithosphere. Sa pagnipis nito, bulkanismo ang resulta: kaya sa lugar ng SW Luzon matatagpuan ang napakaraming bulkan, tulad ng Mt. Banahaw, Mt. Cristobal, Mt. Malepunyo, Mt. Makiling, Mt. Macolod, at ganoon na rin ang Taal Volcano. Sa bandang hilaga, matatagpuan din ang mas malaki ng lawa ng Laguna, na posibleng isa rin na malaking kaldera ng bulkan, na nakasentro sa Talim Island. Ang mga pagbatak na ito ay nagresulta sa mga faults na nagkalat sa buong rehiyon, na siya ring naghuhugis sa mga kaldera, bulkan, maars, lawa, lambak at mga kabundukan na napapaloob dito. Ang mga uri ng Igneous na bato sa Macolod Corridor ay marami, dahil na nga sa elemento ng subduksyon, ganoon na rin dahil sa pagbatak ang mga basaltic bato na tulad sa mga hotspot at sa mga bulkan sa ilalim ng dagat.



 
(Mapa ng Macolod Corridor at Taal Caldera. (Gawa ni Altair Galgana; Galgana et al., 2014)


Ang lawa ng Taal ay may hugis na naka-ayon sa hugis ng Macolod Corridor, katunayan lang na ang mga prosesong tektoniko ay nakatulong sa paghubog ng malaking bulkan nito na sumabog noong mga 150,000 taon na ang nakaraan---na nagdulot ng pagguho ng malaking bahagi ng edipisyo ng bulkan, na ngayo’y makikita sa ilalim ng lawa. Ang pagguho nito ay dulot ng pagkatanggal ng magma sa ilalim ng kaldera, na dulot ng malawakang pagsabog ng lumang Taal Volcano. Makikita na ang buong Cavite mula Tagaytay pababa sa bandang Imus ay dating tagiliran sa hilagang bahagi ng napakalaking bulkan na ito.

Mga Pagsabog Noon at mga Batong Igneous

Ang mga uri ng lumabas na batong Igneous sa bulkang Taal mula sa mga nakaraang pagsabog nito ay maraming uri: may mga Basalts na mabilis umagos; karamihan ay mga Dacites at Andesites na mas malagkit at mayroong mas mataas na Silica at mga hangin sa loob. Ang mga huli na ito ay karaniwang matatagpuan sa mga bulkang Composite, sa mga lugar na produkto ng subduction.

Sa kasalukuyan, kahit na ang bulkang Taal ay may mas maliit na bukana, ito ay maaring magdulot ng napakalaking pagsabog, tulad noong 1754, 1911 at 1965. Kahit na mahirap nang maulit ang malawakan at pandaigdigang eruption tulad noong 150,000 taon na ang nakaraan (na parang Supervolcano), ang pagsabog nito ngayon ay mapanganib din at maaring magdulot ng lokal at rehiyonal na epekto.

Ang pagsabog ng Enero 12, 2020 ay maaring paglilinis lang sa lagusan ng lava, at maari itong masundan pa ng mas malakas na pagsabog sa susunod na mga araw (o buwan). Ang paligid ng bulkan ay magiging mapanganib dahil sa inaantabayanan na malakas na “base surge” at “pyroclastic flows” na maaring makarating sa mga pampang nito. Patuloy na subaybayan ang mga pahayag ng Phivolcs tungkol sa pagsabog Taal.



References:

Bartel, B. A., Hamburger, M. W., Meertens, C. M., Lowry, A. R., & Corpuz, E. (2003). Dynamics of active magmatic and hydrothermal systems at Taal Volcano, Philippines, from continuous GPS measurements. Journal of Geophysical Research: Solid Earth, 108(B10).

Förster, H., Oles, D., Knittel, U., Defant, M. J., & Torres, R. C. (1990). The Macolod Corridor: a rift crossing the Philippine island arc. Tectonophysics, 183(1-4), 265-271.

Galgana, G. A., Newman, A. V., Hamburger, M. W., & Solidum, R. U. (2014). Geodetic observations and modeling of time-varying deformation at Taal Volcano, Philippines. Journal of Volcanology and Geothermal Research, 271, 11-23.

Galgana, G., Hamburger, M., McCaffrey, R., Corpuz, E., & Chen, Q. (2007). Analysis of crustal deformation in Luzon, Philippines using geodetic observations and earthquake focal mechanisms. Tectonophysics, 432(1-4), 63-87.

Knittel, U., & Dietmar, O. (1994). Basaltic volcanism associated with extensional tectonics in the Taiwan-Luzon island arc: Evidence for non-depleted sources and subduction zone enrichment. Geological Society, London, Special Publications, 81(1), 77-93.

Miklius, A., Flower, M. F., Huijsmans, J. P., Mukasa, S. B., & Castillo, P. (1991). Geochemistry of lavas from Taal Volcano, southwestern Luzon, Philippines: evidence for multiple magma supply systems and mantle source heterogeneity. Journal of Petrology, 32(3), 593-627.

Pubellier, M., Garcia, F., Loevenbruck, A., & Chorowicz, J. (2000). Geologic Map of the Macolod Corridor (Taal-Banahaw area), southwestern Luzon, Philippines. 1: 100,000 scale Geologic Map of the Macolod Corridor (Taal-Banahaw area), southwestern Luzon, Philippines. 1: 100,000 scale, 1991. The Island arc, 9(4), 598-610.

Torres, R. C., Self, S., & Punongbayan, R. S. (1995). Attention focuses on Taal: Decade volcano of the Philippines. Eos, Transactions American Geophysical Union, 76(24), 241-247.

Vogel, T. A., Flood, T. P., Patino, L. C., Wilmot, M. S., Maximo, R. P. R., Arpa, C. B., ... & Stimac, J. A. (2006). Geochemistry of silicic magmas in the Macolod Corridor, SW Luzon, Philippines: evidence of distinct, mantle-derived, crustal sources for silicic magmas. Contributions to Mineralogy and Petrology, 151(3), 267-281.

Zlotnicki, J., Sasai, Y., Toutain, J. P., Villacorte, E. U., Bernard, A., Sabit, J. P., ... & Hase, H. (2009). Combined electromagnetic, geochemical and thermal surveys of Taal volcano (Philippines) during the period 2005–2006. Bulletin of Volcanology, 71(1), 29-47.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Impact Craters

Abril sa Diliman: Bakit Sobrang Init Palagi?

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?