Abril sa Diliman: Bakit Sobrang Init Palagi?


Bakit ba kapag buwan ng Abril ay sobrang init ng panahon lagi sa Diliman----at ganun din sa ibang bahagi ng Maynila?

Bagama't ang pinaka kilalang dahilan ay ang daloy ng hangin sa rehiyon o klima, ang isa pang dahilan ay astronomikal: Ito ay tinatawag na “insolation” o insolasyon, isang prosesong pang-init na pisikal o thermal na kung saan ang init ng araw na direktang nakatutok sa Maynila (perpendikular) sa panahon ng Abril---na siyang nagdudulot ng madaling pag-init ng lupa. Ang insolasyon ay lubhang kakaiba sa konsepto ng "Insulation".

Larawan 1A:  Ang direksyon ng sikat ng araw sa rehiyong tropikal kapag Hunyo (Summer Solstice) ay bahagyang tagilid. Simulasyon mula sa Seasons Explorer ng University of Nebraska-Lincoln.

 
Larawan 1B:  Ang direksyon naman ng sikat ng araw sa rehiyong tropikal kapag Abril ay lubhang direkta at perpendikular sa lupa. Nagdudulot ito ng matinding pag-init ng lupa.
 

Larawan 1C:  Kung ihahambing sa dalawa, ang direksyon ng sikat ng araw sa panahon ng Disyembre (Winter Solstice) ay lubhang tagilid.  


Kapag ang direksyon ng radiation o sikat ng araw ay perpendikular sa lupa (sa Maynila) sa buwan ng Abril, ang pag-init ng ibabaw ng lupa ay mas matindi kaysa sa ibang panahon (dahil ang sikat ay nakatutok sa mas maliit na bahagi ng lupa, kung ikukumpara sa medyo tagilid na sikat na nakatapat sa mas malaking bahagi ng lupa). Halimbawa, sa panahon ng Hunyo sa tinatawag na summer solstice, ang direksyon ng sikat ng araw ay medyo nakalihis o nakatabingi. Ang ating mga nababasang mga kaalaman sa makakanlurang aklat tungkol sa pagiging pinakamataas ng araw sa panahon ng Hunyo at pinakamainit sa Hulyo ay pawang hindi akma sa Maynila.


 
 Larawan 2A:  Ang direksyon ng sikat ng araw sa rehiyong tropikal, lugar ng Diliman (Latitude ~ 14 Degrees, Hilaga) kapag Abril ay mas nakadirekta (kaliwang larawan) kumpara sa Hunyo (bahagyang tagilid, gitnang larawan) at sa Disyembre (kanang larawan). Gamit dito ang Solar Motion Device na mula sa FSU at gawa sa Oberlin College. 
 Larawan 2B:  Ang direksyon naman ng sikat ng araw sa bandang Boston (Latitude = 42 degrees Hilaga) ay pawang tabingi kapag Abril (larawan sa kaliwa) subalit mas naka direkta kapag Hunyo (sa kanan). 


Sa panahon ng Abril, ang araw ay nasa Zenith, o pinakamataas na bahagi ng tagamasid sa Maynila, at ito ay isa sa mga dahilan kung bakit matindi ang sikat ng araw sa panahong ito (at hindi sa Hunyo). Maari rin itong dahilan ng mainit na meteorolohikal na lokal na panahon sa rehiyon na ito ng tropiko. Ang isa namang panahon na ganito rin ang kalagayan ay sa Agosto, dahil nga sa pag-tagilid ng daigdig sa pag-ikot nito sa araw. Subalit ang Agosto ay naaapektuhan ng maulan na panahon, na siyang nagpapalamig sa kapaligiran.

Ang proseso ng insolasyon, kapag sinamahan pa ng komplikasyon dahil sa urbanisasyon---pagdami ng sementadong lugar----tinatawag na “urban heat island effect” ay maaaring magpainit pa ng todo sa kapaligiran ng Maynila sa mga susunod na henerasyon. Isa sa mga lunas sa ganitong problema ay ang pagkakaroon ng mg puno at halaman----lalo na ang pagdami ng mga tubigan (halimbawa: mga lawa at iba pang pook-tubigan) na maaring magsilbing thermostat para pigilan ang mabilisang pag-init ng lupa.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Impact Craters

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?