Lindol sa (Marikina) West Valley Fault, Totoo ba o Guni-guni?


Ito ay kasagutan sa maraming tanong na dumarating sa akin bilang isang seismologo at heopisiko.

Noong ika 12 ng Enero, 2010, niyanig ng isang malakas na lindol, magnitude 7, ang bansang Haiti. Ito ay nagresulta sa pagkamatay ng hanggang sa 316,000 nasawi (ayon sa pamahalaan ng Haiti), mahigit sa isang milyong tao ang naapektuhan, at mga libu-libong gusali na gumuho at nasira ng nasabing lindol (USGS).

May mga bagay na pagkakatulad at pagkakaiba ang sitwasyon sa Haiti noong 2010 at ang sitwasyon sa (Marikina) West Valley Fault (o WVF). Magkatulad sila dahil ang Haiti ay naapektuhan ng paggalaw ng Enriquillo-Plantain Fault, isang “left-lateral strike-slip fault”, na kung saan ang dalawang platong tektoniko ay patagilid na pakaliwang nagsasagian sa bilis na 7 mm kada taon). Halos 250 taon din na nagkarga ng enerhiyang elastiko ang Enriquillo Fault hanggang sa bumigay ito (matapos na hindi makayanan ng mga bato ang naipong lakas mula sa pag-usad ng mga platong tektoniko).

Ang WVF naman ay isang transpresyonal (halong magkasalubong at patagilid na nagsasagian na pakaliwa rin (Galgana et al., 2007); pakanan na patagilid ayon kay Rimando at Knuepfer (2006)) na fault, at gumagalaw ayon sa mga sukat ng GPS, mula sa 7 mm kada taon hanggang sa 12 mm kada taon (e.g., Nelson et al., 2000; Rimando and Knuepfer, 2006; Galgana et al., 2007). Ayon sa mga pag-aaral (Galgana et al., 2007), ang WVF ay kasalukuyang nakabara (o locked), at ayon sa mga modelo, ay patuloy na nag kakarga ng elastikong potensyal---lakas na maaring magdulot ng malakas na lindol kapag hindi na nakayanan ng mga bato ang naipong lakas pontensyal na elastiko. Ayon din sa mga pag aaral, base sa mga paghuhukay sa WVF (Nelson et al., 2000, mayroong mga lindol na naganap sa WVF noong daan-daang taon na ang nakalipas ay tinatayang may lakas na magnitude 7 at pataas.

Kamakailan, naglabas ang Phivolcs ng mapa ng mga barangay at bayan na dinadaanan ng WVF. Ito ay dumadaan sa mga mataong lugar sa Metro Manila, kasama na ang Quezon City, Marikina, Muntinlupa, atbp. (Rimando and Knuepfer, 2006). Pati ang Angat Dam at Angat River mismo ay dinaanan ng WVF.

Ang lakas na magnitude na 7 ay maaring magdulot ng pagguho ng mga gusali, at maaring makaapekto sa maraming residente ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna. Kailan maaring mangyari ito? Hindi natin alam ang eksaktong taon ng paglindol, sapagkat ang agham ay wala pang sagot sa eksaktong panahon ng lindol. Ang alam ng mga siyentipiko ay malaki ang posibilidad na mangyari ang lindol sa WVF. At kapag nangyari ito, ayon sa mga pag-aaral, ang distansya hanggang 3 km mula sa fault ay maaring maapektuhan ng grabe.

Kaya kinakailangang maging mapaghanda ang mga residente: siguruhing alam ang gagawin kapag may naganap na lindol, at huwag mag-panic; Mag-ingat at maging laging handa! Laging kumunsulta sa www.phivolcs.dost.gov. At siguruhing matitibay ang bahay at mga dingding, atip at mga pader ng inyong mga bahay at mga gusali. Iwasan maglagay ng mabibigat na gamit sa matataas na lugar sa loob at labas ng bahay. Itali ang mga mabibigat na bagay at mga muebles.

Isa sa mga pinakamainam at pinakapraktikal na gawin ay kumuha ng seguro (insurance)  laban sa lindol at ganun din para sa buhay.  Bakit? (1) Nagbibigay ito ng proteksyong pananalapi sa inyong mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagsalo sa mga gastusin dahilan sa lindol, at (2) inaalis nito ang mabigat na obligasyong pananalapi mula sa pamahalaan at inililipat ito sa pribadong sektor, sa mga kumpanyang panseguro. Inililigtas nito ang gobyerno ng Pilipinas mula sa biglaang pagkakautang dahil sa epekto ng lindol.

Sa madaling salita,  ang lindol ay mahirap pigilan,  subalit ang suliraning pinansyal dahil sa lindol ay maaaring mapagaan.


Mga babasahin:


Galgana, G., Hamburger, M., McCaffrey, R., Corpuz, E., & Chen, Q. (2007). Analysis of crustal deformation in Luzon, Philippines using geodetic observations and earthquake focal mechanisms. Tectonophysics, 432(1), 63-87.

Nelson, A. R., Personius, S. F., Rimando, R. E., Punongbayan, R. S., Tuñgol, N., Mirabueno, H., & Rasdas, A. (2000). Multiple large earthquakes in the past 1500 years on a fault in metropolitan Manila, the Philippines. Bulletin of the Seismological Society of America, 90(1), 73-85.

Rimando, R. E., & Knuepfer, P. L. (2006). Neotectonics of the Marikina Valley fault system (MVFS) and tectonic framework of structures in northern and central Luzon, Philippines. Tectonophysics, 415(1), 17-38.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Impact Craters

Abril sa Diliman: Bakit Sobrang Init Palagi?

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?