Bakit Peligroso ang mga Subduction Zones?
Tulad ng mga nabanggit sa mga nakaraang
isinulat na blog, ang Pilipinas ay napapaligiran ng mga “lubugan”
o “Subduction Zones”. Ang nasa silangan ay ang Philippine
Trench at East Luzon Trough, at ang nasa kanluran ay ang Manila
Trench, Negros Trench, at Cotabato Trench. Ang mga ito ay lugar o
parte ng “crust” o balat ng mundo na kung saan ang isang mas
mabigat na balat ay lumulubog sa ilalim ng isa pa. Ang resulta:
malalalim na hukay na hugis pahaba at pakurba na umaabot sa ilang
kilometro ang lalim, sa karagatan. Bakit mahalaga na malaman natin
ang mga bagay patungkol sa mga ito? Sapagkat ang pinakakamalakas na
mga lindol ay nagmumula sa mga lugar na ito, halimbawa na nga ay ang
pinakamalakas na lindol na nakatala ---ang Magnitude (Mw) 9.5 na lindol sa
Valdivia, Chile noong 1960, ganun na rin ang mga mapinsalang lindol
na nagbunga ng tsunami sa Sumatra noong 2004 at ang tsunami sa
bansang Hapon nito lamang 2011.
Ngunit papaano sa mga ito nagmumula ang
mga lindol? Ang tinatawag ay ang paraan ng “elastic rebound” o
pag-igkas sa mga bato ng naipon na lakas na matagal nang nakabinbin:
Ang naipon na lakas dahil sa pagbatak ay lumampas na sa tibay ng mga
batuhan o kaya'y lumampas na sa “friction” na gawa ng pagsayad ng
isang balat o “plato de tektoniko” laban sa isa pa. Ang resulta
ay ang pag-igkas ng mga bato ng mga platong tektoniko na ito, at
nagpapadala ng lakas sismiko o lindol, at mga iba pang
nakapipinsalang pangyayari tulad ng pagkakaroon ng tsunami (lakas
sismiko na napunta sa tubigan). Ang proseso ng elastic rebound ay
natutulad din sa pagbatak ng goma: dumarating ang panahon na ang goma
ay hindi na makakayanan ang pagbatak, at ito'y napuputol at umiigkas.
Ganun na rin ang isang lapis kapag sinubukan na baliin ng mga kamay:
ang pagkabiyak nito ay tinatawag na “rupture stage” at kapag
ito'y nangyari, ang pag-igkas ng mga “shock waves” ay
nalilipat sa mga parte ng lapis at ganun na rin sa mga kamay.
Ang Timog Amerika ay may napakahabang
lubugan o subduction zone (Nazca Trench). Umaabot sa anim hanggang
anim na libong milya ang haba nito; Ganun na rin ang bansang Hapon na
mayroong Japan Trench, Ryuku Trench at Nankai Trench. Ang Pilipinas
ay mayroong napakahabang Manila Trench na umaabot mula Mindoro
hanggang Taiwan. Ganun na rin ang Philippine Trench na umaabot mula
Catanduanes hanggang malapit sa Indonesia.
Ang isa sa pinakamahalagang katanungan
ay magdudulot ba ang mga ito ng malalakas na lindol na umaabot sa sa
Magnitude 9.0??? Atin po itong tatalakayin sa mga susunod na blog.
Kaya't subaybayan po nila!!!
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento