Mga Craters sa Buwan: Ano ang Kahulugan?


Ang bilang ng mga crater (sa loob ng lawak ng lupain) ay ginagamit na paraan upang malaman ang edad (heolohikal) ng mga batuhan. Ang maraming bilang ng mga crater ay nagsasabi na ang batuhan ay may kalaunan na,  at ang madalang na bilang ng mga ito ay nagsasabi na ang ibabaw ng lupa ay nasa mas murang edad pa. Ang kaunting bilang ng crater ay dahil sa ito’y natabunan na muli ng mga prosesong pambulkan,  o kaya’y dahil sa erosyon o pagkatabon ng mga batuhan mula sa ibang bahagi ng lupain. Ginagamit ang bilang ng crater bilang pang-estima ng edad ng mga batuhan sa ibang planeta,  kapag hindi maaring gamitin ang mga paraan ng panukat  na ginagamit sa daigdig---tulad ng paggamit ng mga isotope,  at mga pagkakasunod-sunod na stratigrapiya ng mga batuhan.

Ang pagbibilang ng mga crater na ito ay ang ginagamit sa pagtataya ng mga edad ng ibabaw ng mga planeta,  at ng mga buwan ng Jupiter at Saturn.


Ang ating sariling buwan,  halimbawa,  ay mayroong dalawang bahagi:  ang bahagi na laging nakaharap sa mundo (o ang tinatawag na “Near side”),  at ang bahaging nakatalikod sa mundo (“Far side”).  Ang huli ay nagpapakita ng mas maraming  craters, at nangangahulugan na ang ibabaw ng bahaging ito ay mas nakakatanda kaysa sa nakaharap sa mundo na bahagi.  Ang bahagi naman na nakaharap sa mundo ay kinapapalooban ng mga “basins”  tulad ng Imbrium Basin,  mga lugar na sinasabing natabunan ng magma dahil sa paghampas ng mga asteroids o kometa noong panahon (lubhang napakalaking mga craters!),  o kaya’y dahil sa bulkanismo (i.e., Spudis et al., 2013).
 
Masasabi na ang ibabaw ng bahaging ito ay mas nakababata kaysa sa malayong bahagi.  Dahil din sa bilang ng mga crater na ito,  ay masasabi na ang buwan at ang mundo ay dumaan sa napakatagal na panahon ng pag-ulan ng mga meteoroids,  bilang proseso ng pagkabuo ng mga planeta/solar system noong 3-4.5 bilyong taon na ang nakalilipas.  Kaya masasabi na ang ibabaw ng buwan ay isang talaan ng ilang bilyong taon at hindi nagagalaw ng mga proseso tulad ng prosesong pantektoniko sa daigdig. Dapat samantalahin ang mga batuhan sa buwan  upang malaman ang kasaysayan ng solar system.


Babasahin:

Spudis, P. D., McGovern, P. J., & Kiefer, W. S. (2013). Large shield volcanoes on the Moon. Journal of Geophysical Research: Planets.

 
Larawan: Ang Lunar Near Side, bahaging nakaharap sa mundo (itaas); Lunar Far Side, bahaging nakatalikod sa mundo (ibaba). Mula sa Lunar Reconaissance Orbiter, NASA.

 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Impact Craters

Abril sa Diliman: Bakit Sobrang Init Palagi?

Pitong Araw sa Isang Linggo, Saan ba Talaga ito Nagmula?